Martes, Disyembre 13, 2016

#BuhayGuro

Ang Kuwento ni Mabuti
Ni Genoveva Edroza-Matute



http://www.interaksyon.com/assets/images/articles/interphoto_1353313778.jpg

Nitong nakaraang linggo tinalakay namin sa klase ang isang akdang pampanitikan na pinamagatang "Ang Kuwento ni Mabuti." Kung susuriin ang pamagat nito, maaaring ang mahinuha mong nilalaman ng akda ay patungkol sa kuwento ng isang taong nakagagawa palagi ng kabutihan sa kanyang kapwa. Iyan din naman ang naging kasagutan ng aking mga mag-aaral.

Sa pagtalakay namin, unti-unting nalalaman ng mga mag-aaral kung patungkol saan ang kuwentong aming tatalakayin. Nakilala nila kung sino si Mabuti. Siya ay isang pangkaraniwang guro sa isang paaralan. Mabuti ang tawag sa kanya ng mga mag-aaral sa tuwing siya ay nakatalikod dahil anumang salita ang lumalabas sa kanyang bibig ay nilalagyan niya ito ng salitang "mabuti" at ito man ay pamalit na ginagamit niya sa mga salitang kalimitan n'yang nakakalimutang sabihin.

Ang kuwento ay umiikot kay Mabuti at sa isang mag-aaral na naging interesado sa buhay na mayroon siya dahil katulad niya ang kanyang guro rin pala ay may pinagdadaanang problema na taliwas sa ipinakikita niyang lakas, kasiyahan, pananalig at pagkakaroon ng positibong pananaw sa kanilang silid-aralan. Hindi kakikitaan ng kahit anumang bakas ng kalungkutan at problema ang kanyang guro. 

Nais ng mag-aaral na tulungan din ang kaniyang guro katulad ng ginawa nito sa kaniyang noong makita siya ni Mabuti na umiiyak sa silid-aklatan, ngunit hindi siya nabigyan ng pagkakataon na malaman ito.

Sa kabila ng  suliraning pinagdadaanan ni Mabuti hindi siya nagpapaapekto rito, tinuturuan pa rin niya nang buong sigla ang kaniyang mag-aaral at "ipinamamalas ang mga nagtatagong kagandahan sa aralin sa panitikan. Ang kariktan ng katapangan; Ang kariktan ng pagpapatuloy anuman ang kulay ng buhay."
Sa wakas ng kuwento ay natuklasan ng mag-aaral ang lihim na itinatago ni Mabuti at doon niya naunawaan ang lahat.

"...ilang araw lamang ang nakararaan buhat nang mabalitaan ko ang tungkol sa pagpanaw ng manggagamot na iyon. Ang ama ng batang iyon marahil ay magiging isang manggagamot din balang araw, ay namatay, at naburol ng dalawang gabi at dalawang araw sa isang bahay na hindi siyang tirahan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyon ay naunawaan ko ang lahat."

Sa pagtatapos ng aming pagtalakay sa aming aralin ay naisipan kong magpanood ng isang video (I-witness documentary) na kakikitaan ng pagpapahalaga sa mga gurong katulad ni Mabuti na hindi lamang nagtuturo nang mabuti kundi ipinapakita sa kanyang mag-aaral ang pagpapahalaga sa buhay at ang magkaroon palagi ng positibong pananaw sa kabila ng suliraning kanyang pinagdadaanan. At upang maipakita rin ang kahalagahan ng papel na ginagampanan ng isang guro sa lipunan.

Katulad ng gawaing aking ipinagawa sa aking mga mag-aaral ay magsusulat din ako ng repleksyon bilang isang guro patungkol sa video na aming pinanood na iuugnay sa akdang aming tinalakay. Naririto ang video kung nais mo ring panoorin  at maaari ka rin namang magbigay o mag-iwan ng komento sa blog na ito maaaring bilang mag-aaral o guro man. 




Guro, puso hindi yeso


Mga Guro at mag-aaral mula sa Pegalongan Elementary School
http://images.gmanews.tv/v3/webpics/v3/2013/11/2013_11_08_15_48_55.jpg

Kapag sinabi nating guro ang unang pumapasok sa ating isipan ay isang taong tagapagbahagi ng kaalaman sa mga mag-aaral. Tanging yeso, pisara, aklat ang sandata nila sa hamon ng pagiging isang guro. Lahat tayo ay pwedeng maging guro ngunit mahirap ang maging mahusay at mabuting guro.


Isa na marahil sa pinakamalaking pagsubok sa larangan ng pagtuturo ang magturo sa isang paaralang malayo sa kabihasnan. Kung saan bago ka makarating sa paaralan ay kinakailangang akyatin mo ang limang bundok at tawirin ang ilang ilog.

Sa aking panunuod nakita ko ang dedikasyon ng walong gurong nagtuturo rito para lamang maturuan ang mga mag-aaral. Hindi nila alintana ang pagod, init at ang hirap na kanilang pinagdadaanan. Ang mahalaga sa kanila ay ang makitang natututo at umuunlad ang kumunidad na kanilang pinagtuturuan.

Tinitiis nila ang malayo sa kanilang pamilya alang-alang sa mga batang naghihintay sa kanila sa bundok. Bagamat tutol ang kanilang pamilya rito ay pinipili pa rin nilang dito magturo dahil nakikita nila na may potensyal ang mga bata at kailangan na may gumabay sa kanila upang maabot ang kanilang mga pangarap.

Katulad ni Mabuti na nakinig at nagbigay ng payo sa isang mag-aaral sa suliraning kanyang pinagdadaanan at ang pagpapaunawa niya sa kagandahan ng buhay sa kanyang mag-aaral ganoon din si Sir Randy. Hindi lang palaging yeso ang hawak-hawak nya't ginagamit sa pagtuturo bagkus nagtuturo siya ng galing sa puso, tumutulong siya ng bukal sa kanyang puso at ipinapakita o ibinabahagi rin niya kung gaano kahalaga ang makatapos sa pag-aaral upang maabot ang kanilang mga pangarap.


"Hindi na lamang isa ang mukha ng isang teacher, kasi ang teacher puwede kang maging engineer, puwede kang maging doktor kasi kapag walang medicine dito sa community kami yung nagpo-provide, pwede kang maging parents nila, yung pagiging engineer mo hindi ka lang nagbi-build ng building nagbi-build ka rin ng character atsaka attitudes ng values ng mga bata." (Randy Halasan, Punong-Guro ng Pegalongan Elementary School) 
Kapag ikaw ay nasa larangan na ng pagtuturo hindi ka lang basta-basta isang teacher, hindi lang pagtuturo ang magiging papel mo sa paaralan kundi lahat ng propesyon ay maaaring maging papel mo rin. Hindi ka lang nagbabahagi ng kaalaman kundi itinuturo mo kung paano maging mabuting mamamayan ang mga bata na makatutulong sa pagpapaunlad ng bayang kanilang pinanggalingan.

Isang napakalaking responsibilidad ang nakapatong sa balikat ng mga gurong nagtuturo sa paaralan na ito. Kung hindi sila nagtuturo at nagtatrabaho ng galing sa kanilang puso marahil ay hindi sila magtatagal dito. Isa silang inspirasyon sa mga nais pumasok sa larangan ng pagtuturo at sa aming guro na upang paghusayan pa naming lalo ang pagtuturo upang maging daan sa pag-abot ng pangarap ng mga mag-aaral.